top of page
Search

BES, NAND'YAN KA PA?: Isang Nobela

  • Writer: Erj
    Erj
  • Mar 21, 2018
  • 14 min read
Paano ba sasagupain ang sakit na dala ng pagiwan sayo? Paano ba lalabanan ang sakit ng pagiwan sa’yo ng bestfriend mo?

Dedication

Para sa’yo ‘to, bestfriend. Sana mabasa mo ‘to. Natatandaan ko sinabi mo sa’kin noon na, “Maging totoo ka lang. Magugustuhan ka nila.” Kaya alam ko, magugustuhan mo ‘to.

Acknowledgement

Una sa lahat, nais kong magpasalamat sa D’yos nating lumikha. Kung wala po ang tulong Niyo, marahil wala din ako at ang librong ‘to. Salamat po sa napakalaking tulong.

Nais ko din po sanang magpasalamat sa naging inspirasyon ko sa pagbuo ng kwentong ito. Bestfriend, maraming, maraming salamat. Nais ko din pong ipahatid ang aking pasasalamat sa aming guro na nagtulak sa’min sa pagsulat nito, kung wala po kayo, wala po itong librong ito. Salamat din po sa aking Araw, salamat sa napakalaking tulong mo sa pagbuo ko ng librong ito.

Sa mga hindi po nabanggit, maraming salamat din po sa inyo.


CHAPTER I
Pagbitaw

[ PART 1 ]

“Papa, bili na tayo ng laruan ko. Please?”

“Sige na nga. Basta ‘wag mo na lang uulitin ‘yung pagdadabog mo ha? ‘Di ko nagustuhan ‘yung ginawa mo sa’kin doon sa bilihan ng damit kanina,”

“Opo, papa! Tara na, pa!”

“Aba’y ubusin muna natin ‘tong kinakain natin,”

“Ay oo nga pala! Hahaha,”

Yeheeey! Mabibilhan nanaman ako ni papa ng bagong laruan! Hmm, ano kayang ipapabili ko? Kotse-kotsehan? Tao-tao? Yo-yo? Aha! Bola na lang! Tama, basketball ang gusto kong ipabili kay Papa. “Pa, hawakan mo lang ‘yung kamay ko ha? Natatakot ako baka mawala ako dito e.” Grabe naman kasi ang kapal ng tao ngayon dito sa mall. Sobrang siksikan! “Oo, anak. ‘Wag kang magalala,” yan ang sinambit ni Papa para mawala ang takot ko. Ang sarap talaga sa pakiramdam ng ganito. Magkasama kami ni Papa lagi, sa pagkain, sa pagdilig ng halaman, sa pagpasok sa eskwela, sa pamamalengke, at s’yempre sa pamamasyal. Para akong nakatagpo ng tatay-slash-bestfriend, hanep ‘diba? Pero teka, parang nabitawan yata ni Papa ‘yung kamay ko. “PA? PA? PAPA! NASAAN NA KAYO!?” Nasaan na ba si papa? Bakit bigla siyang nawala? Bakit parang binitawan niya ‘yung kamay ko? Bakit parang iniwan ako ng bestfriend ko? Pinilit kong hanapin si Papa sa mall sa gitna ng ‘di mabilang na dami ng taong nagsisiksikan. “ARAY!” Nabunggo-bunggo na ako ng mga tao dito hanggang sa, hanggang sa, hanggang sa… *hinimatay*

Napabalikwas ako sa malambot kong kama sa panaginip kong iyon habang dinadampian ng kumot ang basa kong mga mata dahil sa luha. Buti na lang at panaginip lang ang lahat ng iyon. “Wapo, anak! Gising ka na ba? Halika na dito at mag-almusal, baka tanghaliin na kayo ni papa mo sa mall niyan.” Haaaaay, akala ko talaga nawala si papa. Wait? Mall? Oo nga pala! Pupunta nga pala kami ng mall ngayon ni papa. Kailangan ko ng magmadali!

[ PART 2 ]

Mukhang mabagal ‘tong nasakyan naming jeep ni papa ah. Mahihiluhin pa man din ako.

“Bakit ‘di natin isinama si mama, pa?”

“May mga inaasikaso siyang papel, anak, alam mo naman ‘yon ‘diba? Sa susunod nalang sasama si mama, ‘no?”

“Okay po. Pero pa, malayo pa ba tayo sa Canatabuan?”

“Malayo pa, anak, bakit? Nahihilo ka ba? Sumandal ka muna sa’kin para makatulog ka,”

Ganoon nga ang ginawa ko. Sarap talagang magkaroon ng papa na katulad ng papa ko, super maalaga! Makatulog na nga muna.

“Wapo, gising na. Malapit na tayo,” hmm, oo nga malapit na nga kami! Natatanaw ko na ‘yong mall mula dito. “Para po, manong!” sigaw ko sa drayber ng jeep nang makita kong nandito na kami sa may mall. “Galing ng anak ko ah. Buti naaalala mo pa ‘yong turo ko sayong pagpapara,” wika ni papa nang makababa na kami mula sa jeep. Haaay! Ilang oras na kami ni papa na namimili, pagod na ako.

“Kain na tayo, pa,” matamlay kong sambit.

“Sige sige, tapos na din naman tayo mamili. Saan mo ba gusto kumain?” kunyare pa si papa na ‘di niya alam ‘yung isasagot ko.

“JOBBILEE CHICKENJOY!!” yan na lang ang naisigaw ko dahil sa sobrang kasiyahan.

Yum! Sarap talaga dito sa paborito kong kainan. Teka, sobrang ganda yata ng araw na ‘to ah. Paboritong kainan, paboritong pwesto, at paboritong pagkain kasama ang aking bestfriend-slash-papa pero sa tingin ko, mas maganda sana kung kasama din namin si mama dito na kumakain. Nang matapos kaming kumain ni papa, nagsimula kami muling maglakad-lakad sa mall at sa aming paglakad ay biglang nagsalita si papa na mayroong seryosong tono.

“Wapo, anak?”

“Po?”

“May sasabihin si papa ha? Gusto ko makinig ka sa’kin,”

“Opo, pa,” parang ang seryoso yata masyado ah.

“Aalis si mama e, pupunta siyang abroad para magtrabaho kasi gusto niya kayo bilhan ng mga kapatid mo ng maraming laruan at damit,” ano daw? Aalis daw si mama? Bakit parang biglaan yata?

“Si.. Sige po. Kailan po ba aalis si mama?” ‘di ko alam ang sasabihin ko sa mga naririnig ko. Para akong nadudurog at nanghihina.

“Malayo pa naman, anak. Baka sa susunod na susunod na susunod na buwan pa,”

Naniwala ako sa winika ni papa na ‘malayo pa’. Pero naging tuso ang oras. Kung kailan ko siya kailangang bumagal, doon naman siya bumilis. Hanggang sa nalapit na nang nalapit ang araw ng pagpunta sa abroad ng aking ina.


CHAPTER II
Pagalis at Pagbalik

[ PART 1 ]

Nasa hapag kami ngayon kasama ang aking buong pamilya para kumain ng hapunan na inihanda sa amin ni mama. Bukas na nga pala siya aalis, nakalulungkot. Matagal-tagal na bago ako muling makatitikim ng luto ni mama. ‘Di man ito kasarapan, pero sa hapunang ito na aming pinagsasaluhan, ramdam na ramdam ng bawat isa ang pagmamahal na inilagay ni mama sa kanyang luto. ‘Di ko namalayang tapos na pala kami kumain at tinapos na lang ni mama ang gabi sa mga katagang, “’Wag kayong pasaway sa papa niyo. Saglit lang ako do’n, tatlong taon lang ‘yon. Para sa inyo din ‘to.”

Nandito na kami ngayon sa NIAI International Airport para ihatid si mama. Maganda ang sikat ng araw, masarap ang simoy ng hangin, maayos kaming nakababa sa sasakyan, pero sa kabila ng napakaraming magagandang bagay na iyon ay tila mabigat pa din ang aking pakiramdam. S’yempre dahil ito sa pag-alis ni mama, ngunit kasama na din sa bigat na nararamdaman ko ang nakikita kong lungkot sa mga mata ng aking bestfriend na si papa. Masakit palang makita ‘yung bestfriend mong nalulungkot ‘no? Kasi kahit ano namang galing ni papa na itago ‘yong tunay niyang nararamdaman, nakikita ko pa din ‘yong totoo sa kanya. “Mahal na mahal ko kayo, mga anak,” basag na pagkakawika ni mama dahil sa pagpipigil ng luha. “Mag-iingat kayo lagi.” Tanging hagulgol ang naisukli ko sa mga maiikling katagang iyon ni mama habang tinititigan ang kanyang likod na papalayo nang papalayo mula sa aming kinatatayuan. Ngunit kahit nanlalabo na ang aking paningin dahil sa luha, nakita ko ang matibay na paninindigan ng bestfriend ko na magpakatatag, kahit na alam kong sa likod ng mga matang iyon ay isang asawang nadudurog sa pag-alis ng kabiyak.

Araw pa lamang ang nakalilipas pero ang lungkot na aming nararamdaman ay tila taon ang katumbas. Ang hirap palang matulog kapag ‘di mo alam ang kalagayan ng isa sa mga miyembro ng pamilya, ‘no? ‘Di kami mapakali. Sa tuwing tatawag si mama ay nagkakagulo kami para makausap siya pero dahil sa mahal ang bayad sa international calls ay nagiging limitado lamang ang aming napaguusapan dahilan para lalong mamiss ni papa si mama

Isang gabi, nang ako ay lumabas mula sa banyo, napansin kong tila may nakasinding maliit na ilaw mula sa kwarto ni papa. Dahan-dahan, ako ay lumapit sa pinto upang silipin kung may gising sa kwartong iyon at napagabutan ko si papa na nakatitig sa isang maliit na litrato ni mama na hawak niya sa kanyang kaliwang kamay. Kalungkutan, ‘yan lamang ang nakita ko kay papa ng mga oras na iyon. Tahimik siyang nakatingin sa maliit na litratong medyo kupas na habang hinahaplos ito ng buong pagmamahal.

“Tulog na tayo, pa,” ‘yan ang tangi kong nasambit habang papalapit kay papa para siya ay yakapin ng aking mumunting katawan at maiikling kamay. Sa mga oras na yaon, nais ko lamang na punan ang espasyong naiwan ni mama para mapasaya ang aking bestfriend, at nang gabing iyon, tinabihan ko si papa na matulog habang ako ay nakayakap sa kaniya ng may malaking pagmamahal mula sa bata’t maliit na pangangatawan.

[ PART 2 ]

*tik-tilaok tik-tilaok* Hmm, teka.. Wala na si papa sa tabi ko. Saan na kaya si papa? Naglakad ako sa malinis na sahig ng aming bahay papunta sa kusina ngunit ‘di ko natagpuan doon si papa. Nilakad ko din papuntang banyo at wala din siya. Saan kaya si papa? Habang nagiisip kung nasaan si papa ay napadpad ako sa terrace ng aming bahay at nakita ko sa labas si papa na nagdidilig ng kanyang mga halamang malapit-lapit nang magsilanta. Tingin pa lang ay ramdam ko nang nagbalik na ang aking bestfriend dahil sa wakas ay natanaw ko muli ang saya mula sa mga mata ni papa.

“Wapo, kumain ka na ba?”

“’Di pa po, pa,”

“Osha-sha, hintayin mo na ako at patapos na din ‘tong pagdidilig ko. Sabay na tayong mag-almusal kasama ‘yong mga kapatid mo,”

Nakatutuwang makita muli ang aking bestfriend na masayang muli, ‘di man buong-buo pero makikitang hindi na siya gaanong nagpapadala pa sa kalungkutan. Kumain na kami ng aking mga kapatid, kasama si papa, at nang matapos ay nagsipunta kami sa sari-sariling naming mga gagawin. Si ate sa paglilinis ng banyo, si ditse sa paghuhugas ng pinggan, si marnie sa paglalaro sa kanyang kwarto, at kaming dalawa ni papa sa pagdadamo sa aming hardin. Nakakapagod magdamo sa aming hardin dahil maraming nagsisitangkarang mga damo, kaya naman nang matapos kami rito ay nagmeryenda kami nila papa para maibsan ang pagod. Nakakapagod pero masaya, ‘yan ang mga eksaktong salita na makapaglalarawan ng aking nararamdaman ng mga oras na yaon dahil nagkaroon muli kaming mag-bestfriend ng oras sa isa’t-isa.

Lumipas ang dalawang linggong punong-puno ng bonding sa aming pamilya kahit na namimiss na namin ang aming mama at ‘di ko naman maitatangging ako’y masaya dahil nasosolo ko ang aking bestfriend kahit na papaano. Saya dito, saya d’yan, iba talaga sa pakiramdam ang nararamdaman ko ‘pag si papa ang aking kasama. Ngunit isang araw ay nagkaroon ng masinsinang paguusap si mama at si papa sa telepono, uuwi na daw si mama at ‘di na raw niya tatapusin ang tatlong taon na dapat niyang ilagi sa ibang bansa dahil marami daw masyado ang ipinagagawa sa kanya na wala naman sa kontrata. Kaya naman sa lalong madaling panahon ay makikita’t makakapiling na naming muli ang mama namin.


Chapter III
Paglayo

[ PART 1 ]

*whoosh*

Malakas na hangin ang aking naramdaman mula sa pagbaba ng eroplanong sinasakyan ni mama. Sobrang eksayted na akong yakapin si mama kahit isang buwan mahigit ko lamang siyang ‘di nakasama. Pero mas nakapagpapasabik pa din para sa’kin ang pagiisip kung ano ang pasalubong ni mama. Hmm, laruan kaya? Laruan sana! Ayoko ng damit, madami na akong damit sa bahay e. “Ayun! Ayun! Ayun si mama!” sigaw ng mga kapatid ko habang tumatakbo papalapit sa kan’ya na siyang nakapagpatakbo sa akin nang ‘di ko man lang namamalayan. Nabitawan na ni mama ang kanyang mga bagahe dahil sa sobrang sabik na pagyakap sa amin, ang higpit, ang sarap, ang saya. Ngunit ‘di ko inakalang mas pasasayahin ako ng aking makikita dahil aking natanaw ang napakatamis at abot-tengang ngiti ng aking bestfriend habang nakikiyakap sa amin. Ramdam ko ang kasiyahan niya sa pagdating ni mama at alam kong ramdam din ito ng aking mga kapatid.

Yes! Laruan! Tuwang-tuwa ako sa nakita kong isang malaking robot na hawak-hawak ni mama na nagmula sa kanyang mga bagahe. Pero mas natuwa pa ako ng mahawakan ko ito at nakita ang kanyang mata na umilaw. “Thank you, ma,” wika ko kay mama. “Para sayo talaga ‘yan, Wapo. Kasi balita ko, naging good boy ka daw dito ‘nong wala ako.” Ganda talaga nitong laruan ko, sobra akong napasaya ni mama dito. At alam ko na ganoon din ang nararamdaman ng aking mga kapatid sa mga hawak nilang mga pasalubong ni mama. Saglit lang? Bakit parang pumayat yata si mama? At bakit parang may sakit kung gumalaw si mama? Aha! Baka dahil lang ‘yon sa pagod sa biyahe. Tama, sa biyahe nga lang iyon.

Lumipas ang ilang buwan at tila napapansin kong maraming nagbabago sa pangangatawan ni mama.

“Wapo, anak, kumuha ka nga ng tubig ng mama mo,”

“Opo, pa… ‘Eto na po, pa,”

“Salamat, anak,”

“Pa, bakit po parang ang dami namang mga iniinom na gamot ni mama?”

“Wala ‘yan, anak. Iniinom lang ni mama ang mga ‘yan para sa sakit ng ulo. ‘Wag ka nang magalala kay mama,”

Naniwala ako sa mga winika ni papa na ‘yon. Naniwala ako na dahil lang sa sakit ng ulo ang mga iniinom-inom niyang mga gamot. Pero makalipas ang ilan pang mga buwan ay may hindi inaasahang pangyayari.

[ PART 2 ]

Unang beses kong marinig na humagulgol at magsisisigaw ang bestfriend ko ng ubod nang lakas habang ako ay nagbibihis ng aking unipormeng pinlantsa ni mama kagabi. Lumabas agad ako sa aking kwarto ng umagang iyon at nakita ko ang bestfriend kong tumatakbo na tila tarantang-taranta na at ‘di malaman kung ano ang kanyang gagawin. Siyam na taong gulang pa lamang ako nito kaya ‘di ko maintindihan kung ano ang nangyayari kaya tumakbo na lamang ako at sinundan ang aking bestfriend papunta sa poso sa labas.

Laking gulat ko nang makita ko si mama na nakahiga sa semento, nakatingala’t nakatitig sa mainit na sikat ng araw habang nakatiklop at naninigas ang kanyang kanang kamay. Tumakbo ako papunta kay mama, gusto ko man siyang buhatin ay ‘di kaya ng aking mumunting katawan kaya naman si papa na lamang ang bumuhat sa kan’ya. ‘Di mawala sa mukha ni papa ang pagaalala kay mama at alam ko din na ‘di pa rin nawawala sa mukha ko ang pagkagulat kaya nanatili akong nakatayo sa lugar kung saan nakahandusay ang aking ina. Nanatili akong nakatitig sa kanila habang pinahaharurot ng tito ko ang motor papunta sa ospital.

Heart stroke. Durog na durog ako at ang aking pamilya sa dalawang salitang iyan. Dahil iyan, ang dadalawang salitang iyan, ang dumapo kay mama kaya siya nagkaganun. Paralisado ang buong kanang bahagi ng katawan ni mama, ‘di siya makapagsalita, ‘di makapaglakad, at ‘di man lang kayang tumayo ng magisa. ‘Di na nga nakakauwi dito sa bahay ng madalas si papa dahil sa pagaasikaso niya kay mama sa ospital. Lingguhan na nga lamang siya halos kung makauwi at ang tangi niya lang gagawin ay magabot ng pera at groceries para sa isang linggo naming kakainin. Namuhay kami ng halos isang buwan at mahigit na walang magulang sa aming bahay na inuuwian. Buti na lamang at tinutulungan kami ng aming mga kamaganak sa pangaraw-araw habang wala pa sila papa. Gabi-gabi kaming nagdadasal ng rosaryo para sa paggaling ni mama at gabi-gabi din naming binabasa ng luha ang aming mga unan dahil sa pagaalala sa aming mga magulang.

Dumating na ang mapagpalang araw, laking pasasalamat naming mga magkakapatid ngayong araw na ito dahil sa wakas, uuwi na ang aming mga magulang. Punung-puno ako ng ligayang lumabas ng bahay nang aking madinig ang tunog ng isang kotseng bumubusi-busina. Nakita ko ang aking mga tito’t tita kasama sina papa na naglalakad papalapit sa amin, ngunit bakit parang may mali? Bakit nakaupo si mama sa isang upuang de-gulong habang tulak-tulak ni papa? ‘Di ba nagamot ng mga doktor si mama? Gagaling pa ba si mama? Ano nang mangyayari sa amin kung mananatiling ganyan si mama? Napakaraming tanong ang nakapila sa aking utak na naghihintay ng kasagutan pero ang tangi ko na lamang ginawa ay tumakbo papalapit sa aking mga magulang at sila’y yakapin.

“Pa, patulong nga po sa assignment ko dito sa Science,”

“’Wag muna ako, wapo. D’yan ka muna kay ate mo magpaturo,”

“Pa, sige na,”

“Anak, ‘wag muna,”

“Pa, please. Please, papa,”

“Wapo! Ang kulit naman. Sinabi na nga lang na ‘wag muna ‘diba? D’yan ka muna kila ate mo magpaturo,”

Alam ko namang ‘di ako tutulungan ni papa, nag-baka-sakali lang naman ako. Ilang linggo’t buwan na ang lumipas mula ng makauwi sina papa at sa mga oras na iyon ay napakadaming nagbago. Ngunit sa dinami-rami ng mga nagbago ay iisa lang ang pinakaapektado ako, ang pagkawala ng bestfriend ko. Madaming nagbago sa amin ni papa. ‘Di na kami nakakapaglibot, ‘di na nakakapaglaro, ‘di na niya ko natutulungan sa assignments, ‘di na nakakapagusap ng madalas, at napakadami pang iba. Ang sakit pala sa pakiramdam ‘yong mayroong isang miyembro ng pamilya niyo na may sakit. Pero sa totoo lang, mas masakit sa pakiramdam na napakadami ang dapat magbago dahil sa pangyayaring wala namang niisa sa amin ang may gusto.

Nagkakatotoo na yata ‘yong panaginip ko, nabibitawan na yata ako ng bestfriend ko.


Chapter IV
Pagtanggap

[ PART 1 ]

“Wow! Congratulations, anak. With honors!” wika ni papa habang tinutulak si mama sa wheelchair. “Ano gusto mong regalo?”

“Wala po,” tama, ‘wala’ na lang ang isasagot ko kasi ‘di rin naman maibibigay ni papa ‘yong gusto kong regalo. ‘Di naman na ako bata na hihiling ng laruan, labing-pitong gulang na’ko, masyadong immature kung ang hihilingin kong regalo sa isang bagay na pinaghirapan ko ay materyal lang. Kasi sa totoo lang, ang gusto kong regalo, oras. ‘Yung tipong ibabalik ‘yong oras sa panahong maayos pa si mama, para bumalik na din ‘yong bestfriend ko. Pero wala e, imposible kong matanggap ‘yong regalo na ‘yon, halos imposible nang bumalik pa kami sa dati ng bestfriend ko.

Paano nga ba nawala ‘yung bestfriend ko? Ah, oo nga pala, walong taon mula ngayon, nagkasakit si mama at mula no’n, abracadabra! Nawalan na’ko ng bestfriend.

‘Eto nanaman ako sa pagaalaala ng mga nangyari, pang ilang gabi na kaya ‘to na pinagaaalala ko ‘yong mga nangyari sa nakaraan? Higit isang libo na siguro. At sa bawat gabing iyon, ‘di ko maiwasang maisip na kasalanan ni mama ang pagkawala ng bestfriend ko. Kasi kung ‘di sana siya nagkasakit, e’di sana ‘di nagkaganito ang pamilya namin. Ang sama ko ba? Siguro nga, oo, kasi sa bawat pagaalaala ko ng mga nangyari, walong taon mula ngayon, ay laging si mama ang naiisip kong may sala.

*tok tok tok*

“Pasok,” wika ko kahit ‘di ko alam kung sino ang kumatok.

“Wapo, anak?” hmm, si papa pala, ‘yung dating bestfriend ko.

“Bakit po, pa?”

“Okay ka lang ba? Kanina ko pa kasi napapansin, mali, matagal ko na kasi napapansing parang may problema,”

“Wala po, pa,”

“Anak, Wapo. Alam ko meron,” dahil sa winika ni papa ay ‘di na lang ako umimik. “Sabihin mo sa’kin anak.”

“Wala po, pa. Punta na po kayo sa kwarto at baka hinahanap na kayo ni mama,”

“Tulog na ang mama mo. Anak, alam ko may problema ka. P’wede mo naman sabihin sa’kin e. Lahat lahat,” sige, kailangan ko na din namang mailabas ‘to e.

“’Di ba tinanong mo ako, pa, kung ano ang gusto kong regalo?”

“Oo,”

“Oras. Gusto kong maibalik ‘yong oras, pa. Gusto kong bumalik ‘yong dating tayo. ‘Yung laging magkasama, ‘yung laging masaya. Pero alam ko hindi p’wede, dahil kay mama,”

“Sinisisi mo ba ‘yong mga nangyayari sa pamilya natin kay mama mo?”

“Opo. Kung ‘di siya nagkasakit, e’di sana okay tayo ngayon,”

“’Di mo ba naisip ‘yung dahilan kung bakit siya nagkasakit?” oo nga ‘no, sa bawat gabing iniisip ko ‘yung nangyari noon, ‘di man lang sumagi sa isip ko na alamin ang dahilan ng pagkakasakit ni mama. Nagkaganyan ang mama niyo dahil din sa inyo.Ha? ‘Di ko maintindihan ang sinasabi ni papa. Dahil sa’min? Paano? Bakit? “Nag-abroad siya’t nagsakripisyo noong mga bata pa kayo ng mga kapatid niyo dahil naisip niyang malapit nang magaral ang kapatid mong bunso at malapit na ding magkolehiyo ang ate niyo. Gusto niya lang kayo bigyan ng maganda at komportableng buhay,” wika ni papa. Pero anong koneksyon n’on sa pagkakasakit niya e halos isang buwan lang naman siya sa ibang bansa. “Inabuso siya ng amo niya sa ibang bansa. Ang sabi sa kontrata, magiging tutor lang siya. Pero nang makarating siya sa bahay nila ay halos naging katulong na siya. Paglalabahin siya kahit katatapos lang niya mamalantsa. ‘Paglulutuin siya kahit katatapos lang niya maglaba. Init-lamig-init–lamig ang tiniis niya para sa inyo.” Tila bumigat ang dibdib ko sa aking mga narinig mula kay papa. Pero ‘di ko lubos matanggap ang mga sumunod na sinabi niya. “Kahit sobrang pagod na ng mama niyo ay ‘di siya makapagpahinga do’n dahil punung-puno ng CCTV ang bahay ng amo niya. Kapag naabutan siyang nagpapahinga, kakaltasan ang sweldo niya. Sinubukan ko siyang pauwiin no’n pero ayaw ng mama niyo dahil para daw ‘yon sa pagaaral niyo. Pero kahit ang mama niyo naramdaman na ‘yong naging epekto ng pagtratrabaho niya do’n sa kanyang katawan kaya siya na mismo ang nagdesisyong umuwi na lamang.” Parang dinudurog ang puso ko sa mga nalaman ko. Gusto kong umiyak pero ‘di lumalabas ang luha sa aking mga gulat na mata dahil sa mga bagay na ngayon ko lamang nalaman. Lahat pala ng pangyayari ay may dahilan. Kung sinisisi ko si mama sa pagkawala ng bestfriend ko, marahil sinisisi kami ni mama sa pagkakaganoon ng katawan niya. ‘Di ko na alam kung ano pa ang nangyari nang gabing iyon.

Naintindihan ko na si mama at alam ko nang ‘di ko dapat sinisisi si mama sa pagkawala ng bestfriend ko.

[ PART 2 ]

Naintindihan ko na si mama. Naintindihan ko na ang pagkawala ng bestfriend ko. Naintindihan ko na ang papel ko at ng mga kapatid ko sa pagkakasakit ni mama.

Mula nang gabing iyon ay mas lumuwag na ang dibdib ko. Ang sarap sa pakiramdam na nakapagusap muli kami ng ganoon ng bestfriend ko at siya pa ang naging dahilan ng pagkaluwag ng nararamdaman ko. Pero sa buong gabing iyon ng moment namin ng bestfriend ko, isang bagay ang natutunan ko, pagtanggap. ‘Yan nalang naman ang magagawa ko sa ngayon e. ‘Di na namin maibabalik ang kahapon kahit gustuhin pa namin at kahit anong pagmamakaawa pa ang gawin namin. Pagtanggap lang talaga ang magiging sagot sa lahat ng bagay na nangyayari ngayon sa pamilya namin. Pagtanggap ni mama sa katotohanang nagdesisyon siyang mangibang bansa at manilbihan do’n kaya siya umabot sa sitwasyon niya ngayon. Pagtanggap ng pamilya namin sa kalagayan ni mama. At pagtanggap ko sa katotohanang wala na ang bestfriend ko at malabong siya’y makababalik pa. Wala e, kailangan kong tanggapin na kasalanan namin ang nangyari kay mama at bumalik lang sa akin at mga kapatid ko ang epekto kaya sila’y nahirapan at ako’y nawalan ng bestfriend. Masakit gawin ang pagtanggap pero iyon ang nararapat gawin dahil ‘di naman tayo p’wedeng mangsisi at magsisi na lang habambuhay, kailangan nating tanggapin ang mga bagay-bagay para sa ikaaayos at ikatitiwasay ng ating buhay sa ngayon at sa ating magiging buhay bukas.

Sa ngayon, malaki ang pasasalamat ko sa papa ko dahil pinaranas niya sa’kin ang pagkakaroon ng bestfriend na gaya niya kahit sa saglit na panahon lamang. Malaki din ang pasasalamat ko sa kanya dahil kung ‘di niya iminulat ang aking mga mata sa katotohanan, baka hanggang ngayon ay nananatili ako sa kadiliman ng aking pagiging makasarili at pagkasarado ng isip. Kaya ngayong nasa ikalabing-walong taon na’ko ng pamumuhay sa mundo, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para mamuhay ng maayos, matiwasay, at mas may kaalaman sa pagharap sa mga hamon at pagsubok ng buhay para sa D’yos, para sa aking pamilya, at para sa aking sarili.

Wakas...



 
 
 

Comments


Follow me on these accounts 

© 2018 by Erjohn Macasakit. Proudly created with Wix.

  • White Instagram Icon
bottom of page